Ang aking liham

Ma, Pa,

 

May gusto po akong sabihin.

Alam ko pong naging tahimik ako noong mga nakaraang buwan. At madalang niyo na lang po ako makita sa bahay. Kung nasa bahay man po ako, buong araw naman po akong nakakulong sa kwarto.

Tinanong niyo po sa akin dati kung may problema ba.

“Wala,” ang sabi ko…

Pero alam ko at alam niyo pong hindi totoo ‘yun. Sa likod ng pagbigkas ko ng salitang “wala,” ay puno ako ng mga tanong at pangamba na nahihirapan akong sabihin sa inyo.

Ngayon, hinihingi ko po ang lubos ninyong pag-unawa.

Ma, Pa,

Bakla po ako.

Matagal ko na pong alam sa sarili ko, pero nahihirapan lang po akong sabihin sa inyo.  “Walang bakla sa pamilya natin”—‘yun po ang mga eksaktong salita na sinabi niyo sa akin noon.

Natakot po ako.

Kinabahan.

Nahiya.

Mula noon, sinabi ko sa sarili ko na hindi ako pwedeng maging bakla. Dahil kahihiyan ang maging bakla.

Sa eskwela, wala yatang araw na hindi ako tinatanong kung bakla ba ako. Malambot daw ako gumalaw, mahinhin daw ako magsalita na para bang ang pagiging mahina ay palatandaan ng pagiging bakla. Sa kabila ng pagpunas ko ng luha, patuloy ang pagtatak sa isip ko ng mga pangungutya. Kaya paulit-ulit kong sinabi na “hindi ako bakla”. Dahil mahina kapag bakla.

Noong grade 5 po ako, nagkagusto ako sa isang kaklase kong lalaki. Yung lagi ko pong kalaro, si Peter.

“Kadiri”, sabi ng mga kalaro ko.

“Kasalanan” sabi sa mga sermon ni Father.

Ayaw ko pong mandiri kayo sa akin. Ayaw ko pong matawag na makasalanan.

“Hindi ako bakla, hindi ako bakla.”

Dahil kadiri maging bakla.

Dahil kasalanan ang maging bakla.

Sa bawat araw na pagsusuot ko ng mga maskara para magtago, hindi ko namamalayang binubura ko na pala ang sarili kong pagkatao. Umabot sa panahon na hindi ko na po kilala sarili ko. Umabot sa panahon na lahat ay tanong na walang sagot. Umabot sa panahon na itinuring ko itong sakit na walang gamot at natakot ako na hindi na ako gagaling.

Unti-unting gumuho lahat sa harapan ko.

Nawalan ako ng tiwala sa sarili kong kakayahan dahil sa aking kasarian. Nahirapan akong magtiwala sa tao dahil natatakot akong mahusgahan. Natakot ako sa posibilidad na walang taong tatanggap at magmamahal sa akin hanggang sa aking pagtanda;

Dahil ako ay bakla lang.

Ako ay bakla lang.

Ma, Pa,

Sorry.

Hindi ko po ito kasalanan. Hindi niyo rin po ito kasalanan. Hindi ko po ito pinili.

Alam ko po na sa pagkulong ko sa aking kwarto ay napalayo ako sa inyo. Ngayon, lalabas na po ako. Hindi ko na po gugustuhing mas mapalayo sa inyo. Sinulat ko po ang liham na ito ng buong tapang para humingi ng lakas sa inyo.

Ma, Pa, mahal ko kayo.

Ma, Pa, kailangan ko po kayo ngayon.

Hinihingi ko po sa inyo ay ang inyong pag-unawa at pagtanggap, ang pag-unawa na hindi kahihiyan maging bakla, hindi mahina ang bakla, at hindi kasalanan ang maging bakla.

Ang pagtanggap na hindi kahihiyan ang iyong anak, hindi mahina ang iyong anak, hindi makasalanan ang iyong anak, at hindi lamang “bakla” ang iyong anak.

Bakla po ako. Walang hiya kong sasabihin na bakla ako.

Bakla po ako. At sana po ay makita niyo na ako ay higit pa sa salitang ito.

 

Nagmamahal,

ang inyong anak

 


This was the letter narrated in the animated short film, Walang Hiya. Although fictional, the author based its major parts from his experiences as he grew up.